7
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
Shigaion ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.
1 O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
2 kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
3 O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
4 kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
5 payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)
6 O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
7 Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
8 Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
9 Ikaw ay isang Diyos na matuwid,
batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.
10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.
14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.
17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.