8
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.*
1 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri+ ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano+ ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
 
5 Nilikha+ mo siyang mababa sa iyo† nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa+ mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
 
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
* 8: GITTITH: Ang kahulugan ng salitang ito'y maaaring tumutukoy sa isang uri ng instrumento o sa isang uri ng tono. + 8:2 Mt. 21:16. + 8:4 Job 7:17-18; Awit 144:3; Heb. 2:6-8. + 8:5 Kar. 2:23; Ecc. 17:1-4. † 8:5 iyo: o kaya'y mga anghel. + 8:6 1 Cor. 15:27; Ef. 1:22; Heb. 2:8.