71
Panalangin ng Isang Matanda Na
Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
 
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Sa simula at mula pa wala akong inasahang
sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.
 
Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,
malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,
akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan,
katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan.
10 Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,
ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin.
11 Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan,
iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;
ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang.
 
12 Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,
lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
13 Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,
lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!
Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan,
mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
14 Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
15 Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;
hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin.
16 Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran,
ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang.
17 Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan.
18 Matanda na't puti na ang aking buhok,
huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos.
Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay,
samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.
 
19 Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,
dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis.
20 Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit,
subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,
upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
21 Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan,
ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.
 
22 Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,
pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,
iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
23 Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,
masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.”
24 Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan,
yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,
lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.