72
Panalangin para sa Hari
Katha ni Solomon.
Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
 
Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
 
Nawa+ kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
 
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
 
15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
 
18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!
 
Amen! Amen!
 
20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.
+ 72:8 Zac. 9:10; Ecc. 44:21.