74
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Isang Maskil* ni Asaf.
Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.
 
Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.
 
Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.
 
12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa+ lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw+ na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,
at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.
 
18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.
 
20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.
 
22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.
* 74: MASKIL: Tingnan ang Awit 32. + 74:13 Exo. 14:21. + 74:14 Job 41:1; Awit 104:26; Isa. 27:1. 74:14 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan.