75
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
 
Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)*
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
 
Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
 
Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
* 75:3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.