14
Ang Tagumpay ni Asa Laban sa mga Taga-Etiopia
Namatay si Abias at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Asa. Sampung taon itong naghari at sa panahong iyon ay naging mapayapa ang Juda. Ginawa ni Asa ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh na kanyang Diyos. Ipinagiba niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at ang mga bahay-sambahan ng mga pagano; ibinuwal niya ang mga sinasambang haligi at winasak ang mga rebulto ng diyosang si Ashera. Iniutos niya sa mga taga-Juda na sumunod sa kagustuhan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kanyang kautusan at mga tuntunin. Sapagkat ipinaalis niya ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga altar ng insenso sa mga lunsod ng Juda, naging mapayapa ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamamahala. Pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod sa Juda. At sa loob ng ilang taon ay hindi sila nagkaroon ng digmaan sapagkat binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan. Sinabi niya sa mga taga-Juda, “Patibayin natin ang mga lunsod na ito at paligiran natin ng mga pader na may mga tore at matitibay na pintuan. Sarili natin ang lupain sapagkat umaasa tayo kay Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at sa lahat ng dako'y binigyan niya tayo ng katiwasayan.” Ganoon nga ang kanilang ginawa at sila'y naging maunlad. Ang hukbo ni Asa ay binubuo ng 300,000 kawal mula sa Juda, na may mga sandatang panangga at sibat, at ang 280,000 naman mula sa Benjamin, na may mga pana at panangga.
Dumating ang panahon na nilusob sila ni Zera na isang taga-Etiopia. Ang hukbo nito na umabot hanggang sa Maresa ay binubuo ng isang milyong kawal at tatlong daang karwahe. 10 Pagdating doo'y hinarap sila ng hukbo ni Asa at ang hanay ng labanan ay ang libis ng Sefata sa Maresa. 11 Bago siya lumaban, nanalangin si Asa kay Yahweh na kanyang Diyos, “Wala kang katulad, O Yahweh, sa pagtulong maging sa malakas at mahina. Kaya tulungan ninyo kami, O Yahweh na aming Diyos, sapagkat sa inyo lamang kami umaasa. Sa inyong pangalan, nakaharap kami ngayon sa ganito karaming kaaway. O Yahweh, kayo ang aming Diyos; huwag ninyong hayaang matalo kayo ng tao.”
12 Sa tulong ni Yahweh, natalo ni Asa ang mga taga-Etiopia at tumakas ang mga ito. 13 Hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga kawal hanggang Gerar. Sa tulong ni Yahweh, naubos ang kanilang mga kaaway, at napakarami nilang nasamsam. 14 Winasak nila ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar sapagkat pinagharian ng takot kay Yahweh ang mga mamamayan doon. Pinasok nila ang lahat ng lunsod at napakaraming nasamsam doon. 15 Sinalakay din nila ang mga kampo ng mga pastol ng kawan at bumalik sila sa Jerusalem na dala ang napakaraming tupa at kamelyo.