15
Ang mga Repormang Isinagawa ni Asa
1 Si Azarias na anak ni Oded ay nilukuban ng Espiritu ng Diyos.
2 Pinuntahan niya si Asa at sinabi, “Pakinggan mo ako, Asa, at kayong mga taga-Juda at Benjamin: Nasa panig ninyo si Yahweh habang kayo'y nasa panig niya. Matatagpuan ninyo siya kung siya'y inyong hahanapin, ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo.
3 Matagal nang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ang Israel, walang paring nagtuturo at wala ring kautusan.
4 Ngunit nang dumating sila sa kagipitan, humingi sila ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Siya'y kanilang hinanap at kanilang natagpuan.
5 Mapanganib noon ang maglakbay at mangalakal sapagkat magulo kahit saang lugar.
6 Naglalaban-laban ang mga bansa, at ang mga lunsod sa kapwa lunsod, sapagkat ginugulo at pinahihirapan sila ng Diyos.
7 Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.”
8 Nang marinig ni Asa ang pahayag na ito ni Azarias na anak ni Oded, lumakas ang kanyang loob. Inalis ni Asa ang lahat ng kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa buong Juda, sa Benjamin at sa lahat ng bayang nasakop niya sa Kaburulan ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ni Yahweh na nasa harap ng bulwagan ng Templo.
9 Pagkatapos, tinipon niya ang mga taga-Juda at Benjamin at ang mga nanggaling sa Efraim, Manases at Simeon na nakikipanirahan sa kanila. Maraming taga-Israel ang sumama kay Asa nang malaman nilang kasama niya ang Diyos niyang si Yahweh.
10 Naganap ang pagtitipong ito sa Jerusalem noong ikatlong buwan ng ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa.
11 Nang araw na iyon, naghandog sila kay Yahweh ng pitong daang toro at pitong libong tupa buhat sa mga nasamsam nila.
12 Gumawa sila ng kasunduan na buong puso at kaluluwa nilang sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno,
13 at papatayin ang sinumang hindi sasamba sa kanya, maging lalaki o babae, matanda o bata.
14 Pasigaw na nanumpa sila kay Yahweh. Nagsigawan sila kasabay ng pag-ihip sa mga trumpeta at tambuli.
15 Masayang-masaya ang buong Juda sa kanilang pagkakaisa sapagkat buong puso silang nangakong sasamba kay Yahweh. At ang kanilang masayang pagsamba ay tinanggap ni Yahweh; nalugod siya sa kanila kaya binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa lahat ng panig.
16 Inalis ni Haring Asa sa pagiging inang-reyna ang lola niyang si Maaca sapagkat nagtayo ito ng malaswang rebulto ng diyosang si Ashera. Winasak niya iyon at sinunog sa Libis ng Kidron.
17 Kahit hindi naalis ni Asa sa Israel ang lahat ng mga bahay-sambahan ng mga pagano, naging tapat siya kay Yahweh sa buong buhay niya.
18 Dinala niya sa Templo ang lahat ng kagamitang yari sa pilak at ginto na inilaan niya at ng kanyang ama sa Diyos.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan sa loob ng tatlumpu't limang taóng paghahari ni Asa.