16
Pagputol ng Pakikipagkaibigan sa Israel
(1 Ha. 15:17-22)
1 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasa ng Israel ang Juda. Pinalibutan niya ng pader ang Rama upang walang makaalis o kaya'y makapunta kay Asa sa Juda.
2 Dahil dito, nakipag-ugnay si Asa kay Ben-hadad na hari ng Siria at nakatira sa Damasco. Nagpadala siya ng pilak at ginto na kinuha niya sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh at sa kanyang palasyo. Ganito ang sinabi niya,
3 “Pinadadalhan kita ng pilak at ginto. Ibig kong magtulungan tayo tulad nang ginawa ng ating mga magulang. Sirain mo na ang kasunduan ninyo ni Baasa na hari ng Israel upang hindi na niya ako guluhin.”
4 Sumang-ayon naman si Ben-hadad at pinasalakay niya ang mga pinuno ng kanyang hukbo sa mga lunsod ng Israel. Napasok ng mga ito ang Ijon, Dan, Abelmain at ang mga lunsod-imbakan sa Neftali.
5 Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapader sa Rama.
6 Dahil dito, tinawag ni Haring Asa ang mga taga-Juda at ipinahakot ang lahat ng bato at kahoy na naiwan sa itinatayong pader at ginamit niya ang mga ito sa pagpapader sa Geba at Mizpa.
Si Propeta Hanani
7 Nagpunta noon kay Asa si Hanani na isang propeta at sinabi, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Siria, sa halip na kay Yahweh na iyong Diyos, natakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.
8 Mas malaki ang mga hukbo ng mga taga-Etiopia at mga taga-Libya. Napakarami nilang karwahe at mga mangangabayo ngunit ibinigay sila sa iyo ni Yahweh sapagkat sa kanya ka nagtiwala.
9 Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya. Dahil sa kahangalan mong ito, mula ngayo'y lagi kang magkakaroon ng digmaan.”
10 Sa sinabing ito, nagalit si Asa kay Hanani at ito'y ikinadena sa bilangguan. Mula noo'y naging malupit si Asa sa mga tao.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Asa
(1 Ha. 15:23-24)
11 Lahat ng ginawa ni Asa mula sa simula hanggang wakas ay nakatala sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel.
12 Noong ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, nagkaroon siya ng malubhang sakit sa paa. Sa halip na kay Yahweh humingi ng tulong, sa mga manggagamot siya sumangguni.
13 Namatay siya nang ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari.
14 Inilibing siya sa Lunsod ni David sa isang libingang yungib na ipinasadya niya para sa kanyang sarili. Inilagay siya sa isang kabaong na nilagyan ng lahat ng uri ng pabango. Bilang pagpaparangal sa kanya, gumawa ang mga tao ng napakalaking siga.