36
Si Haring Jehoahaz ng Juda
(2 Ha. 23:30-35)
1 Nagkaisa ang bayan na si Jehoahaz, anak ni Josias, ang ipalit na hari sa Jerusalem.
2 Dalawampu't tatlong taóng gulang siya nang maging hari at tatlong buwan siyang naghari sa Jerusalem.
3 Binihag siya ni Haring Neco ng Egipto at pinagbuwis niya ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto ang Juda.
4 Ang ipinalit kay Jehoahaz bilang hari ng Juda ay ang kapatid nitong si Eliakim. Pinalitan ang kanyang pangalan na Jehoiakim. Si Jehoahaz naman ay dinala sa Egipto.
Si Haring Jehoiakim ng Juda
(2 Ha. 23:36–24:7)
5 Dalawampu't limang taóng gulang si Jehoiakim nang maging hari at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
6 Dumating si Nebucadnezar, binihag siya at nakakadenang dinala sa Babilonia.
7 Kinuha ni Nebucadnezar ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at inilipat sa kanyang palasyo sa Babilonia.
8 Ang iba pang mga pangyayari sa panahon ni Jehoiakim, pati ang mga kasamaang ginawa niya at ang iba pang kasalanan niya ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jehoiakin.
Si Haring Jehoiakin ng Juda
(2 Ha. 24:8-17)
9 Walong taóng gulang si Jehoiakin nang maging hari at tatlong buwan at sampung araw lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
10 Sa pagtatapos ng taon, ipinakuha siya ni Haring Nebucadnezar pati ang mahahalagang kagamitan sa Templo at dinala sa Babilonia. Ang ipinalit sa kanya bilang hari ay si Zedekias na kanyang tiyuhin.
Si Haring Zedekias ng Juda
(2 Ha. 24:18-20; Jer. 52:1-3)
11 Dalawampu't isang taóng gulang si Zedekias nang maging hari ng Juda at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem.
12 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Hindi siya nagpakumbaba at hindi rin sumunod sa ipinangaral ni propeta Jeremias, na nagpahayag ng mensahe ni Yahweh.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
(2 Ha. 25:1-21; Jer. 52:3b-11)
13 Naghimagsik si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar na pinangakuan niya sa pangalan ng Diyos na kanyang susundin. Nagmatigas siya at ayaw magsisi at manumbalik kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
14 Sumamâ nang sumamâ ang mga pinuno ng Juda, ang mga pari at ang mga mamamayan. Tinularan nila ang kasuklam-suklam na gawain ng ibang bansa. Pati ang Templo sa Jerusalem na inilaan ni Yahweh para sa kanyang sarili ay kanilang nilapastangan.
15 Gayunman, dahil sa habag ni Yahweh sa kanila at sa pagmamalasakit niya sa kanyang Templo, nagpatuloy siya sa pagpapadala ng mga sugo upang bigyan sila ng babala.
16 Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito, pinagtatawanan ang mga propeta at binabaliwala ang mga babala ng Diyos. Dahil dito'y umabot sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa kanyang bayan at hindi na sila makaiwas sa kanyang pagpaparusa.
17 Dahil dito, ginamit niya ang hari ng Babilonia upang patayin sa tabak maging sa loob ng Templo ang kanilang mga kabataan. Wala itong iginalang, binata man o dalaga, kahit ang matatanda. Ipinaubaya sila ng Diyos sa kapangyarihan ng hari.
18 Lahat ng kagamitan, malalaki at maliliit sa loob ng Templo ni Yahweh, pati ang kayamanang naroon, gayundin ang sa hari at mga opisyal nito ay dinala sa Babilonia.
19 Sinunog nila ang Templo, winasak ang pader ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay sinunog din, at ang lahat ay iniwan nilang wasak.
20 Ang mga hindi napatay ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Inalipin sila roon ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia ay masakop ng Persia.
21 Ito ang katuparan ng pahayag ni Jeremias na ang lupain ay mananatiling tiwangwang sa loob ng pitumpung taon upang makapagpahinga.
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio
(Ez. 1:1-4)
22 Upang matupad ang sinabi niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, inudyukan ni Yahweh si Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:
23 “Ito ang pahayag ni Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng Templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.’ ”