3
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Sardis
1 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Sardis:
“Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin. Alam ko ang ginagawa mo; ang alam ng marami, ikaw ay buháy, ngunit ang totoo, ikaw ay patay.
2 Kaya't gumising ka! Palakasin mo ang nalalabi pa sa iyo upang hindi ito tuluyang mamatay. Sapagkat nakita kong hindi ganap sa paningin ng aking Diyos ang mga nagawa mo.
3 Kaya nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig. Isagawa mo ang mga iyon; pagsisihan mo't talikuran ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, pupunta ako diyan na gaya ng isang magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating.
4 “Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na napanatiling walang dungis ang kanilang damit, kaya't kasama ko silang maglalakad na nakasuot ng puting damit sapagkat sila'y karapat-dapat.
5 Ang magtatagumpay ay dadamitan ng puti, at hindi ko kailanman buburahin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
6 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Filadelfia
7 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia:
“Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang binubuksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sinasarhan niya.
8 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong kaunti lamang ang iyong kakayahan ngunit sinunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman.
9 Tingnan mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita.
10 Sapagkat tinupad mo ang aking utos na magtiis, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig!
11 Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo kung ano ang nasa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala.
12 Ang magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lungsod. Ito ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.
13 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Laodicea
14 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea:
“Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang tapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos.
15 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit.
16 Ngunit dahil ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita!
17 Sinasabi mong ikaw ay mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa, ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad.
18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita.
19 Sinasaway ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan.
20 Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya.
21 Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.
22 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”