4
Pananambahan sa Langit
1 Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto.
At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.”
2 At agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon.
3 Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono.
4 Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo.
5 Mula sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos.
6 Sa harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.
Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod.
7 Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat.
8 Ang bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,
“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.”
9 Tuwing umaawit ng pagluwalhati, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman,
10 ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi,
11 “Aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.”