10
1 Tinuturuan ng mabuting punong-bayan ang kanyang nasasakupan,
at binibigyan sila ng matatag at maayos na pamamahala.
2 Kung anong uri ng pangulo ay gayundin ang mga kagawad,
at kung ano ang pinuno ng lunsod, gayundin ang mamamayan.
3 Mawawasak ang buong bansa kapag ang hari ay isang mangmang,
ngunit uunlad ang bayan kung may pang-unawa ang mga pinuno ng lunsod.
4 Ang pamamahala sa daigdig ay nasa kamay ng Panginoon,
at siya ang nagpapadala ng mabubuting tagapamuno pagdating ng takdang panahon.
5 Nasa Panginoon din ang tagumpay ng bawat tao,
at siya ang nagpaparangal sa mga gumagawa ng batas.
Ang Kapalaluan
6 Huwag kang magtatanim ng sama ng loob sa tuwing magkakasala ang iyong kapwa sa iyo,
at huwag kang gagawa ng anuman dahil sa simbuyo ng damdamin.
7 Ang kapalaluan ay kinasusuklaman ng Panginoon at ng tao,
kapwa rin sila napopoot sa pang-aapi.
8 Dahil sa kasakiman, kapalaluan at pang-aapi bumabagsak ang mga bansa;
palit-palit lamang sila sa pananakop sa iba.
9 Ano ang maipagmamalaki mo, O tao? Ikaw ay nagmula lamang sa alabok,
at buháy ka pa'y maaari ka nang mabulok.
10 Mabibigo ang galing ng manggagamot sa mahabang karamdaman;
ang hari na ngayo'y buháy, bukas ay maaaring tanghaling bangkay.
11 Pagkamatay ng tao, wala nang matitira sa kanya
kundi mga uod, mga bangaw at mga hayop na gumagapang.
12 Ang kapalaluan ng tao ay nagsisimula sa pagtalikod sa Panginoon,
at sa paghihimagsik laban sa lumikha sa kanya.
13 Sapagkat ang simula ng kapalaluan ay kasalanan,
ang nananatiling palalo ay nakakagawa ng maraming kasamaan,
kaya't katakut-takot na parusa ang ipadadala sa kanila ng Panginoon,
hanggang sa sila'y tuluyang malipol.
14 Inaalis ng Panginoon ang mga hari mula sa kanilang trono,
at iniluklok niya ang mga mababang-loob.
15 Binuwag ng Panginoon ang mga bansang palalo,
at pinalitan ng may mabuting kalooban.
16 Ibinagsak ng Panginoon ang mga kaharian,
at sinalanta ang kanilang lupain.
17 May ilang nilipol siya nang lubusan,
at pinawi ang pangalan sa alaala ng mga tao.
18 Hindi nilalang ang tao upang maging palalo,
at hindi rin nababagay sa isinilang ng babae ang matinding galit.
Ang mga Dapat Parangalan
19 Anong nilalang ang nararapat parangalan?
Ang tao.
Sino?
Ang mga may paggalang sa Panginoon.
Anong nilalang ang dapat sumpain?
Ang tao.
Sino?
Ang mga lumalabag sa Kautusan.
20-21 Sa isang angkan ang puno ng sambahayan ay pinaparangalan,
pararangalan din ng Panginoon ang mga may takot sa kanya.
22 Ang mayaman at maharlika, gayundin ang maralita—
wala silang maipagmamalaki kundi ang takot sa Panginoon.
23 Hindi dapat dustain ang matalinong tao bagama't mahirap
at di naman dapat parangalan ang masamang tao.
24 Ang mga hari, mga hukom, at mga nasa kapangyarihan ay dapat parangalan,
ngunit higit na dakila sa kanila ang isang taong may paggalang sa Panginoon.
25 Ang aliping matalino ay maaaring pagsilbihan ng malaya,
at ito'y hindi daramdamin ng nakakaunawa.
Ang Kababaang-loob at Pagpapahalaga sa Sarili
26 Huwag mong ipagmarangya ang iyong karunungan sa pagtupad mo ng iyong tungkulin,
at huwag ka namang magmamataas sa panahong ikaw ay kinakailangan.
27 Higit na mabuti ang manggagawang nananagana,
kaysa hambog na pagala-gala ngunit wala namang makain.
28 Anak ko, hanapin mo ang iyong karangalan nang may kababaan ng loob,
at pahalagahan mo ang sarili nang ayon sa nararapat.
29 Sapagkat sino ang gagalang sa taong walang paggalang sa sarili,
at sinong magpapahalaga sa taong hindi nagpapahalaga sa sariling buhay.
30 Ang mayaman ay iginagalang dahil sa kanyang kayamanan,
at ang maralita ay maaari ding igalang dahil sa kanyang katalinuhan.
31 Kung ang isang tao'y pinaparangalan sa kabila ng kanyang karukhaan,
gaano pa kaya kung siya'y naging mayaman.
At kung ang isang tao'y hinahamak sa kabila ng kanyang kayamanan,
gaano pa kaya kung siya'y maging mahirap!