9
Ang mga Babae
Huwag+ kang magseselos sa asawa mong pinakamamahal;
lalo mo lamang siyang tuturuan kung paano ka niya pasasakitan.
Huwag kang pailalim sa kapangyarihan ng sinumang babae
hanggang sa ikaw ay lubusang alipinin niya.
Huwag kang makikipagtagpo sa asawa ng iba,*
baka ka masilo sa mga bitag niya.
Huwag kang magbabad sa piling ng mga babaing mang-aaliw
at baka mahulog ka sa kanilang mga patibong.
Huwag kang tingin nang tingin sa isang dalaga,
baka ka magkamali at mapagmulta nang dahil sa kanya.
Huwag kang magpakahibang sa mga babaing bayaran,
kung hindi mo ibig maubos ang iyong kabuhayan.
Huwag kang magpalinga-linga sa mga lansangan ng lunsod,
o magpagala-gala sa mga sulok na walang tao.
Huwag kang titingin sa babaing kaakit-akit,
at huwag mong titigan ang ganda ng di mo asawa.
Marami na ang napahamak dahil sa kagandahan ng babae,
siya ang nagiging dahilan ng matinding pagnanasa.
Huwag kang kakaing kasalo ng asawa ng iba,
at huwag ka ring makikipag-inuman sa kanya.
Baka ka mabighani ng kanyang alindog,
at dahil sa pagnanasa ika'y mapahamak.
Ang Pakikipagkaibigan
10 Huwag mong iiwan ang matagal nang kaibigan;
karaniwan, ang bago ay di maipapantay sa kanya.
Ang pakikipagkaibigan ay parang alak;
habang tumatagal lalong sumasarap.
 
11 Huwag kang maiinggit sa tagumpay ng makasalanan,
sapagkat hindi mo alam ang tunay niyang kahihinatnan.
12 Huwag kang matuwa sa kinawiwilihan ng masasamang tao,
alalahanin mo na di sila makakaligtas sa parusa habang buhay.
 
13 Lumayo ka sa taong maaaring pumatay sa iyo,
at di ka mangangamba na mapapatay ka niya.
Ngunit kung kailangang lumapit ka sa kanya,
pag-ingatan mo ang bawat hakbang mo't baka patayin ka nga niya.
Isipin mong ikaw ay parang tumutuntong sa patibong,
o naglalakad sa ibabaw ng muog ng lunsod sa panahon ng labanan.
 
14 Hangga't maaari, sikapin mong makilala ang iyong mga kapwa,
at sa marunong ka lamang sumangguni.
15 Mawili kang makitungo sa mga taong matalino,
at ang pag-usapan ninyo'y ang Kautusan ng Kataas-taasang Diyos.
16 Ang mga matuwid ang siya mong maging kasalo sa pagkain,
at ang iyong paggalang sa Diyos ang siya mong ipagmalaki.
Tungkol sa mga Punong-bayan
17 Ang galing ng panday ay nakikita sa kanyang ginawa;
ang kakayahan ng isang namumuno ay nakikilala sa kanyang matalinong pangungusap.
18 Ang tsismoso ay kinatatakutan sa buong lunsod;
ang taong walang pigil ang dila ay kinapopootan ng lahat.
+ 9:1 Bil. 5:12-15. * 9:3 asawa ng iba: Sa ibang manuskrito'y mahalay na babae.