16
Ang Parusa ng Diyos sa Makasalanan
1 Huwag kang maghahangad ng maraming anak na walang silbi.
Hindi maipagkakapuri ang maraming anak na lalaki na hindi kumikilala sa Diyos.
2 Hindi mo sila maipagmamalaki gaano man sila karami,
kung sila'y walang takot sa Panginoon.
3 Huwag mong aasahan ang kanilang bilang,
at huwag kang mananalig na hahaba ang kanilang buhay.
Kung minsa'y mabuti pa ang iisang anak kaysa sanlibo,
o mamatay na walang anak kaysa magkaroon ng marami ngunit masasama.
4 Ang isang malaking bayan ay maaaring magmula sa isang mabuting tao,
ngunit tuluyang malilipol ang isang lahi kung sila'y masasama.
5 Marami nang pangyayaring tulad niyan ang aking nakita,
ngunit higit pa riyan ang aking nabalitaan.
6 Ang galit ng Panginoon ay nagsisiklab na parang apoy laban sa isang maliit na pangkat ng masasamang tao;
ngunit lumalagablab iyon na parang sunog laban sa isang bansang masuwayin.
7 Hindi niya pinatawad ang lahi ng mga higante noong unang panahon,
na nanalig sa sariling lakas at lumaban sa kanya.
8 Hindi niya kinahabagan ang bayang tinirahan ni Lot,
at kinasuklaman niya dahil sa kanilang kapalaluan.
9 Hindi niya kinahabagan ang mga bansang itinalaga niyang lipulin,
napuksa silang lahat dahil sa kanilang pagkakasala.
10 Gayundin ang 600,000 kawal na naghimagsik laban sa kanya
nang sila'y naglalakbay sa ilang.
11 Kahit iisa lamang kawal ang lumaban sa Panginoon,
maituturing na himala kung siya'y makaligtas sa parusa.
Sapagkat nasa Panginoon ang habag at nasa kanya rin ang galit;
makapangyarihan siyang magpatawad o magparusa.
12 Dakila ang kanyang habag ngunit kakila-kilabot ang kanyang poot,
at hinahatulan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito.
13 Hindi makakaligtas sa parusa niya ang nagnakaw,
at hindi naman mabibigo ang pag-asa ng makadiyos.
14-16 Pinagpapala niya ang bawat gumagawa ng mabuti,
at ginagantihan ang bawat isa ayon sa nararapat sa kanya.
17 Huwag mong sabihing, “Magtatago ako sa Panginoon!
Sino ba sa sangkalangitan ang makakaalala sa akin?
Sino ang makakapansin sa akin sa karamihan ng mga tao?
Ang mga nilikha ay lubhang napakarami, ano ang kabuluhan ko?
18 Ang alapaap at ang langit sa itaas nito,
ang mga karagatan sa palibot ng lupa, at ang sangkalupaan, tiyak na manginginig pagdating ng Panginoon.
19 Ang mga bundok at ang mga saligan ng lupa
pawang magigimbal at mayayanig matingnan lamang niya.
20 Hindi na niya ako mapapansin!
Sino ba ang mag-aabala sa mga ginagawa ko?
21 Kung ako ma'y magkasala, wala namang makakakita!
At kung ako'y magsinungaling, sino ang makakaalam?
22 Sino ang magsasabi sa Panginoon kung ang gawa ko'y makatarungan?
At sino ang mag-aalalang maghintay sa kanyang hatol?”
23 Ganyan ang iniisip ng walang bait.
Iyan ang sinasabi ng mangmang.
Ang Karunungan ng Diyos sa Paglalang
24 Makinig ka, anak ko, at pakaisipin mo itong aking sasabihin,
nang ikaw ay matuto at makaunawa.
25 Ang ilalahad ko'y mga aral na hindi mababago;
ang ipakikilala ko sa iyo'y buong katotohanan.
26 Nang lalangin ng Panginoon ang mga unang nilikha,
kapagdaka'y binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang tungkulin.
27 Itinakda na niya ang kani-kanilang gagampanan,
at ang kanilang paghahari sa lahat ng salinlahi, ng mga panahon.
Walang nagugutom o nauuhaw kailanman,
at wala ring napapagod o humihinto sa kanilang gawain.
28 Hindi sila nag-aagawan ng daraanan o nagsisiksikan,
at walang sumusuway sa kanyang batas.
29 Pagkatapos, pinagmasdan ng Panginoon ang lupa,
at pinagyaman niya ito ng lahat ng mabubuting bagay.
30 At ang balat ng lupa'y pinuno niya ng mga bagay na may buhay,
na sa wakas ay sa alabok magbabalik.