17
1 Nilikha ng Panginoon ang tao mula sa alabok,
at ito'y sa alabok din uuwi.
2 Binigyan niya ang tao ng maikling buhay,
ngunit ipinailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa.
3 Pinagkalooban niya sila ng kalakasang tulad ng sa kanya,
at ginawa silang kawangis niya.
4-5 Niloob ng Panginoon na ang lahat ng may buhay ay matakot sa tao,
at maghari ito sa mga hayop sa lupa at ibon sa himpapawid.
6 Binigyan niya ang tao ng dila, mga mata at tainga,
at kapangyarihang mag-isip at magpasya.
7 Pinuspos pa niya ng kaalaman at karunungan,
at tinuruang kumilala ng mabuti at masama.
8-9 Pinaliwanag ng Panginoon ang isipan ng mga tao,
at ipinakilala sa kanila ang kagandahan ng kanyang nilalang,
10 upang papurihan nila ang kanyang pangalan
at ipahayag ang kadakilaan ng kanyang mga gawa.
11 Ibinigay niya sa tao ang kanyang mga aral,
at ipinamana sa kanila ang Kautusang nagbibigay-buhay.
12 Nakipagtipan siya sa mga tao magpakailanman,
at ipinahayag sa kanila ang kanyang mga kautusan.
13 Nakita nila ang kanyang maningning na paghahari,
at narinig nila ang kanyang maluwalhating tinig.
14 Sinabi niya sa kanila: “Mag-ingat kayo sa lahat ng masama;”
at iniutos sa kanila ang tungkulin ng bawat isa sa kanyang kapwa.
Ang Diyos ang Hahatol
15-16 Nakikita ng Panginoon ang lahat ng ginagawa ng tao,
at walang nalilingid sa kanya na anuman.
17-18 Nang itatag ng Panginoon ang iba't ibang bansa sa daigdig, binigyan niya ang bawat bansa ng kanyang tagapamuno;
ngunit ang Israel ay hinirang niyang maging bayan niya.
19 Ang gawa ng tao'y malinaw pa sa liwanag ng araw
at minamasdan ng Panginoon ang pamumuhay ng tao.
20-21 Hindi maitatago sa kanya ang kanilang kasamaan,
at nakikita niya ang lahat nilang kasalanan.
22 Parang singsing na pantatak sa paningin ng Panginoon ang pagkakawanggawa ng tao,
pinahahalagahan niyang parang balintataw ng kanyang mga mata ang kanilang kabutihang asal.
23 Darating ang araw na siya'y maghihiganti laban sa masasama,
at babagsak sa kanila ang parusang nararapat sa kanila.
24 Ngunit lagi niyang tinatanggap ang nagbabalik-loob,
at inaaliw ang nawawalan ng pag-asa.
Panawagan sa Pagsisisi
25 Iwan mo na ang kasalana't lumapit ka sa Panginoon,
magsumamo ka sa kanya at mapapawi ang iyong sala.
26 Manumbalik ka na sa Kataas-taasang Diyos; talikuran mo na ang gawang masama,
at kamuhian mo ang kanyang kinasusuklaman.
27 Sino ang magpupuri sa Kataas-taasang Diyos sa daigdig ng mga patay?
Ang mga buháy lamang ang maaaring magpuri sa kanya.
28 Ang mga patay, sapagkat sila'y wala na, ay di maaaring umawit ng papuri sa Panginoon;
mga buháy lamang at malulusog ang maaaring magpuri sa kanya.
29 Kay laki ng habag ng Panginoon;
anong dali niyang magpatawad sa nagbabalik-loob sa kanya!
30 Hindi maaaring kamtan ng tao ang lahat ng bagay,
sapagkat ang lahi ng tao ay may kamatayan.
31 Mayroon bang anumang maningning pa kaysa araw?
Ngunit pati ito ay nagdidilim din kung minsan.
Gayundin ang tao na minsa'y gumagawa ng masama.
32 Pinahahanay ng Panginoon ang mga hukbo ng langit,
ngunit ang tao ay putik lamang at alabok.