18
Ang Kadakilaan ng Diyos
1 Ang Diyos na nabubuhay magpakailanman
ang siyang lumikha ng sanlibutan.
2-3 Ang Panginoon lamang ang makatarungan.
Walang ibang Diyos liban sa kanya.
4 Walang makakapaghayag ng mga ginawa ng Panginoon,
at wala ring makakaunawa ng kanyang mga panukala.
5 Sinong makakasukat ng kanyang karangalan?
Sinong makakapagsalaysay ng kanyang habag?
6 Walang maidadagdag o mababawas sa mga ito ang tao.
Talagang di kayang maabot ng kanyang isipan ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon.
7 Kapag nabaybay niya ang lahat, siya'y nagsisimula pa lamang,
at pagtigil niya'y lito ang kanyang isip.
Ang Kaliitan ng Tao
8 Ano ba ang tao, at ano ang kanyang katuturan?
Ano ang halaga ng kabutihan o kasamaang nagagawa niya?
9 Tingnan mo na lamang ang haba ng kanyang buhay: Mahaba na ang sandaang taon.
10 Parang isang patak ng tubig mula sa dagat, o buhangin sa dalampasigan—
ganyan ang buhay ng tao, kung ipaparis sa panahong walang hanggan.
11 Kaya naman pinagpapaumanhinan ng Diyos ang mga tao,
at ibinubuhos sa kanila ang kanyang habag.
12 Nakikita at nauunawaan niya ang kahabag-habag nilang wakas;
dahil dito'y lalo niyang dinadagdagan ang kanyang pagpapatawad.
13 Ang pagkahabag ng tao ay para sa kanyang kapwa lamang,
ngunit kinaaawaan ng Panginoon ang lahat ng may buhay.
Inaakay niya sila sa tumpak na landas, itinutuwid ang kamalian, sinusupil kung kailangan,
tinuturuan, at ibinabalik kapag naliligaw, gaya ng ginagawa ng pastol sa kanyang kawan.
14 Kinahahabagan niya ang tumatanggap ng pangaral
at nagsisikap makatupad ng kanyang mga utos.
Paghahanda sa Hinaharap
15 Anak, gumawa ka ng mabuti na walang halong panunumbat;
huwag mong bayaang ang kaloob mo'y mabahiran ng masakit na pangungusap.
16 Hindi ba ang hamog ay nakakapagpalamig sa init ng araw?
Kung gayo'y higit pa sa kaloob ang magandang salita.
17 Ang magandang pangungusap ay higit na mahalaga kaysa isang regalong mamahalin,
at ang dalawang ito ay kapwa ipinagkakaloob ng may tunay na magandang kalooban.
18 Ang hangal ay mapanumbat at masungit,
ang bigay na mapait sa kalooban ng nagbigay ay mahapdi sa mata ng binigyan.
19 Mag-aral ka muna bago ka magsalita,
at pangalagaan ang sarili bago pa dumapo ang sakit.
20 Suriin mo ang sarili bago sumapit ang paglilitis,
at pagdating ng pagsisiyasat, magtatamo ka ng patawad.
21 Magpakumbaba bago dapuan ng sakit
at magbalik-loob agad bago malulong sa kasalanan.
22 Huwag mong ipagpaliban ang pagtupad ng panata;
huwag mong hintaying mabingit ka pa sa kamatayan bago tuparin iyon.
23 Bago ka gumawa ng panata, ihanda mo muna ang sarili;
huwag mong tularan ang tumutukso sa Panginoon.
24 Isipin mo: Gusto mo bang magalit siya sa iyo sa oras ng kamatayan?
Kapag hahatulan ka na niya, nais mo bang talikuran ka niya?
25 Alalahanin mo ang gutom kapag ikaw ay nasa kasaganaan,
isipin mo ang karukhaan at pangangailangan sa panahong ikaw ay mayaman.
26 Gaano karaming pagbabago ang nagaganap sa maghapon?
Ganyan kabilis magbago ang lahat ng bagay sa harap ng Panginoon.
27 Ang marunong ay maingat sa lahat ng bagay,
at lalong nangingilag madungisan kapag lumulubha ang panganib na magkasala.
28 Ang matalinong tao'y madaling makakilala ng karunungan,
at iginagalang niya ang sinumang nag-aangkin nito.
29 Ang nakakaunawa ng mga kasabihan ay maibibilang na rin sa marurunong,
at ang mga pangungusap niya'y magiging batis ng karunungan.
Ang Pagpipigil sa Sarili
30 Huwag kang padadala sa masasama mong hilig,
bagkus pigilan mo ang iyong mga pagnanasa.
31 Kapag sinunod mo ang iyong masasamang hilig,
pagtatawanan ka ng iyong mga kaaway.
32 Huwag kang mawili sa panandaliang aliw
na ang ibinubunga'y ibayong paghihirap.
33 Kung wala kang sariling pera, huwag mong asamin ang magarbong pag-aanyaya.
Kapag ang handa mo ay uutangin pa, sa malao't madali'y mamumulubi ka.