2
Katapatan sa Diyos
1 Anak, kung nais mong maglingkod sa Panginoon,
humanda ka sa mga pagsubok.
2 Maging tapat ka at magpakatatag,
huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian.
3 Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya,
upang ikaw ay parangalan sa katapusan ng iyong buhay.
4 Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo,
tiisin mo ang kabiguan kahit ano ang mangyari.
5 Kung ang ginto ay dinadalisay sa apoy,
ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng paghamak.
6 Magtiwala ka at tutulungan ka niya,
mamuhay ka sa katuwiran at umasa sa kanya.
7 Kayong may paggalang sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag;
huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak.
8 Kayong may paggalang sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya,
at siguradong tatanggap kayo ng gantimpala.
9 Kayong lahat na may paggalang sa Panginoon, umasa kayo sa kanyang pagpapala.
Asahan ninyo ang kanyang pagkahabag at kagalakang walang hanggan.
10 Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno:
May nagtiwala ba sa Panginoon at nabigo?
May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan?
May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig?
11 Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon,
pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan at inililigtas sa kagipitan.
12 Kawawa ang mahihinang-loob at mga tamad,
kawawa ang makasalanang mapagkunwari.
13 Kawawa ang mahihina ang loob! Ayaw nilang magtiwala,
kaya hindi naman sila tatangkilikin.
14 Kawawa kayong mga nawalan ng pag-asa at ayaw nang makibaka,
ano ang gagawin ninyo kapag pinarusahan kayo ng Panginoon?
15 Ang mga may paggalang sa Panginoon at di sumusuway sa kanyang utos,
ang mga umiibig sa kanya'y namumuhay ayon sa kanyang kalooban.
16 Ang mga may paggalang sa Panginoon ay nagsisikap na siya'y bigyang-lugod;
ang kanyang Kautusan ang umiiral sa buhay ng mga umiibig sa kanya.
17 Ang mga may paggalang sa Panginoon ay handang maglingkod sa kanya,
nagpapakababa sila sa kanyang harapan. Sabi nila,
18 “Ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa Panginoon sa halip na sa mga tao,
sapagkat kapantay ng kanyang kamahalan ang kanyang habag.”