Ang Karunungan ni Jesus, Anak ni Sirac
ECCLESIASTICO
Panimula
Ang Ecclesiastico, na kilala rin sa tawag na Ang Karunungan ni Jesus, Anak ni Sirac, ay sinulat sa wikang Hebreo ng isang nagngangalang Jesus (o Josue), at isinalin ng kanyang apo sa wikang Griego. Napapaloob sa aklat na ito ang ilang mga tradisyunal na katuruan tungkol sa Karunungan. Ipinagtatanggol din nito ang Judaismo at ipinapahayag na ang Diyos ang nagbibigay ng tunay na karunungan sa kanyang bayan. Binabanggit dito ang maraming paksang may kinalaman sa relihiyon, moralidad, at pang-araw-araw na gawain.
Ang aklat ng Ecclesiastico ay isang mahalagang aklat tungkol sa kasaysayan ng pagbubuo ng naunang kaisipan ng mga Judio. Masasabing ito ay ang pinakahuli at napakagandang halimbawa ng uri ng panitikang “pang-Karunungan” na ipinapakita sa Lumang Tipan, sa aklat ng Mga Kawikaan. Ito rin ang naging binhi ng uri ng Judaismo na ipinakilala sa Bagong Tipan na makikita sa mga katuruan ng mga Pariseo at Saduseo.
Nilalaman
Paunang Salita
Pinuri ang karunungan (Unang Bahagi) 1:1–23:27
a. Tungkulin, gantimpala at praktikal na payo 1:1–16:23
b. Ang karunungan ng Diyos at ang tugon ng tao 16:24–23:27
Pinuri ang karunungan (Ikalawang Bahagi) 24:1–50:21
a. Karunungan at katangian 24:1–32:13
b. Karunungan ng Diyos at pagsamba't paggawa ng tao 32:14–42:14
c. Ang kaluwalhatian ng Diyos sa kalikasan 42:15–43:33
d. Papuri sa mga ninuno 44:1–50:21
Pangwakas na Salita at mga apendise 50:22–51:30
Paunang Salita ng Nagsalin sa Wikang Griego
Maraming mga aral ang ating tinanggap sa pamamagitan ng Kautusan, mga Propeta, at iba pang mga kasulatang sumunod sa mga ito. Dapat parangalan ang bayang Israel dahil sa mga aral na iyan, at sa karunungang bunga nito.
Ngunit hindi sapat na maunawaan lamang ng mga nagbabasa ng mga kasulatan ang kanilang binabasa. Kailangan din na ang karunungan nila ay pakinabangan naman ng iba sa pamamagitan ng kanilang pagtuturo sa mga hindi nakababatid, sa salita o sa sulat. Isa sa mga lalaking masigasig at matiyagang nag-aral ng Kautusan, mga Propeta, at iba pang mga kasulatan ng ating mga ninuno ay ang aking lolo na nagngangalang Jesus. Matapos magpakadalubhasa sa mga bagay na ito, ipinasiya niyang sumulat din ng isang aklat tungkol sa mga aral na iyon at sa karunungan. Ang hangad niya ay makatulong sa pamamagitan ng kanyang sinulat, sa mga may hilig na tulad niya, sa gayong pag-aaral, upang lalo silang umunlad sa kaalaman at lalong matutong mamuhay ayon sa Kautusan.
Kaya ang hiling ko sa mga magbabasa nito ay isipin itong mabuti at basahing may bukás na isipan. Humihingi rin ako ng paumanhin sa inyo kung sa kabila ng aking maingat na pagsasalin nito ay may makita pa kayong mga katagang hindi gaanong maliwanag. Sapagkat may mga isinulat sa wikang Hebreo na malaki ang kaibahan kapag isinalin sa ibang wika. Ito ay totoo hindi lamang sa aklat na ito, kundi maging sa pagkasalin ng mga aklat ng Kautusan, mga Propeta at iba pang kasulatan. Malaki ang pagkakaiba ng magbasa ng mga aklat na ito sa wikang Hebreo, at sa salin lamang.
Dumating ako sa Egipto noong ika-38 taon ng paghahari ni Euergetes. Dito ako nagkaroon ng mahabang panahong makapag-aral nang masinsinan, at ito ang nagbunsod sa akin na isalin ang aklat na ito. Ibinuhos ko rito ang aking buong kakayahan at gumugol ako ng mahabang panahon upang matapos ko lamang ang pagsasalin ng aklat na ito. Umaasa ako na ito'y makakatulong sa ating mga kababayan, na bagaman naninirahan sa iba't ibang lupain, ay nananabik pa ring matuto at makaunawa sa Kautusan at mamuhay ayon sa mga tuntunin.
1
Papuri sa Karunungan
1 Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan,
at iyon ay taglay niya magpakailanman.
2 Sino ang makakabilang ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw,
o sa panahong walang pasimula at walang katapusan?
3 Sino ang makakasukat sa taas ng langit, o sa lawak ng lupa?
Sino ang makakaarok sa karagatan at sino ang makakasaliksik sa Karunungan?
4-5 Bago pa likhain ang alinmang nilalang, nalikha na ang Karunungan,
at ang tunay na pagkaunawa, bago pa nagsimula ang mga panahon.
6-7 Kanino ipinahayag ang simula ng Karunungan,
at sinong nakakaalam ng kanyang pamamaraan?
8 Iisa lamang ang talagang marunong;
dapat tayong gumalang na may paghanga sa harap ng kanyang luklukan.
9 Ang Panginoon ang lumikha ng Karunungan,
kinilala niya ang kahalagahan nito
at ibinuhos niya ito sa lahat ng kanyang nilalang.
10 Binahaginan niya ng Karunungan ang lahat ng tao,
ngunit higit na masagana ang kaloob niya sa mga umiibig sa kanya.
11 Kung may paggalang ka sa Panginoon, magkakamit ka ng karangalan at kasiyahan,
mapuputungan ka ng tuwa at kagalakan.
12 Ang magparangal sa Panginoon ay nagdudulot ng kaligayahan at tuwa,
nagkakaloob ng buhay na mahaba at maligaya.
13 Ang may paggalang sa Panginoon ay sasagana sa bandang huli;
pagpapalain siya sa oras ng kamatayan.
14 Ang paggalang sa Panginoon ay simula ng tunay na Karunungan;
sa sinapupunan pa ng ina'y kasama na siya ng mga tapat.
15 Nanirahan siya sa gitna ng mga tao mula pa noong una
at magtitiwala sa kanya ang mga susunod na salinlahi.
16 Ang may paggalang sa Panginoon ay siyang nagkakamit ng pinakamataas na Karunungan;
mag-uumapaw sa kanila ang kanyang masaganang bunga,
17 pinasasagana niya sa mabubuting bagay ang kanilang tahanan,
pinupuno niya ng masaganang ani ang kanilang mga kamalig.
18 Ang paggalang sa Panginoon ay magandang bulaklak ng Karunungan,
na nagdudulot ng kapayapaan at kalusugan.
19 Namamahagi siya ng kaalaman at ganap na pagkaunawa;
ang nagpapahalaga sa kanya ay kanyang pinaparangalan at pinagiging tanyag.
20-21 Ang paggalang sa Panginoon ay siyang ugat ng Karunungan,
at ang mga sanga naman nito ay mahabang buhay.
Pagtitimpi sa Sarili
22 Ang marahas na galit ay laging walang katuwiran;
mapapahamak ang tao sa sandaling padala siya sa kanyang galit.
23 Maghintay ka at magtimpi,
at sa huli ay hindi mo ito pagsisisihan.
24 Huwag kang magsalita hanggang hindi napapanahon;
pagkatapos, igagalang ng lahat ang iyong katalinuhan.
Ang Karunungan at ang Paggalang sa Diyos
25 Ang Karunungan ay may magagandang aral na iniingatan,
ngunit ang makasalanan ay nasusuklam sa kabanalan.
26 Sundin mo ang Kautusan, kung nais mo ng Karunungan;
ito'y masaganang ipagkakaloob sa iyo ng Panginoon.
27 Ang paggalang sa Panginoon ay karunungan at kaalaman;
nalulugod siya sa matapat at mababang-loob.
28 Huwag mong itatakwil ang paggalang sa Panginoon;
huwag kang dudulog sa kanya nang di tapat sa loob.
29 Pag-ingatan mo ang iyong pananalita,
at huwag kang magkukunwari sa paningin ng mga tao.
30 Huwag kang magmamataas,
baka ka bumagsak at sukdulang mapahiya.
Ihahayag ng Panginoon ang iyong mga lihim,
at hihiyain ka niya sa harap ng madla,
sapagkat dumulog ka sa kanya nang walang paggalang,
at ang puso mo'y puno ng pandaraya.