19
Ang Pagkamatay ng mga Taga-Egipto
1 Ngunit ang mga taong di kumikilala sa iyo ay walang awa mong inuusig hanggang wakas,
pagkat alam mo ang gagawin nila bago pa ito mangyari.
2 Pinayagan nga nilang umalis ang iyong bayan,
ngunit pagkatapos ay hinabol din nila.
3 Nagluluksa pa sila sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay,
ay may iniisip na naman silang kasamaan.
Hinabol nilang parang mga takas na bilanggo
ang mga taong pinakiusapan nilang umalis.
4 Ang kasawiang nakatalaga sa kanila ang nagtulak sa kanila na iyon ay gawin.
Nalimutan nila ang nangyari
kaya nalubos ang parusa sa kanila.
5 Sa gayon, nakapagpatuloy ang bayan mo sa kanilang paglalakbay,
samantalang ang mga kaaway nila ay inabot ng kamatayang walang katulad.
Pinapatnubayan at Kinakalinga ng Diyos ang Kanyang mga Anak
6 Ang sangnilikha ay dumanas ng pagbabago
upang masunod ang iyong kalooban,
at mailigtas ang iyong bayan.
7 Ang ulap ay lumukob sa kanilang kampamento,
ang tubig ay nahawi at lumitaw ang tuyong lupa,
isang malinis na landas sa gitna ng Dagat na Pula,
at luntiang kapatagan mula sa naglalakihang mga alon.
8 Ang bayan mo ay nakatawid na lahat, sa ilalim ng iyong pagkalinga,
matapos masdan ang iyong kamangha-manghang gawa.
9 Tulad nila'y mga kabayo sa sariwang pastulan,
parang mga tupang naglulundagan sa tuwa sa pagpupuri sa iyo,
O Panginoon, sapagkat iniligtas mo sila.
10 Inaalaala nila ang mga pangyayari
noong sila'y mga alipin pa sa lupaing inalisan nila;
sa halip na mga baka, ang lumitaw sa lupa ay mga kuto,
at sa halip na isda, ang ilog ay napuno ng palaka.
11 Pagkatapos, nakita nilang lumitaw ang ibang uri ng ibon.
Nang humingi sila ng masarap na pagkain
12 ay lumitaw mula sa dagat ang makapal na bilang ng mga pugo.
Ang Parusa sa mga Taga-Egipto
13 Ngunit ang masasama ay binabalaan ng darating na parusa.
Nararapat lang parusahan sila dahil sa kasamaan nila.
Labis ang pagkapoot nila sa mga nakikipamayan sa kanila.
14 May mga bayang tumangging magpatuloy sa mga taga-ibang bayan,
ngunit ang mga ito ay higit na masama.
Inalipin nila ang mga panauhing tumulong sa kanila.
15 Hindi lamang iyon, daranas pa sila ng ibang uri ng parusa,
dahil sa masama nilang pagtanggap sa mga taga-ibang bayan.
16 Matapos ipagpista ang pagdating ng mga dayuhan, at ituring na kanilang kapantay,
sa bandang huli, ang mga ito'y pinahirapan at inalipin.
17 Silang lahat ay nabulag, tulad ng mga nasa pintuan ni Lot.
Nangapa ng kanilang dadaanan matapos pagdimlan ng paligid.
Ang Mahimalang Kapangyarihan ng Diyos
18 Ang mga bagay-bagay ay nagpapalit-palit lang.
Tulad ng lira, nababago ang kalagayan ng himig kahit hindi binabago ang nota.
Ito'y maliwanag na makikita sa mga pangyayari.
19 Ang mga nilalang sa katihan ay nagagawang mga nilalang sa tubigan,
at ang mga nasa tubigan ay umaahon sa katihan.
20 Hindi nababago ang lakas ng apoy kahit nasa tubig,
at ang likas na kapangyarihan ng tubig sa pagpatay ng apoy ay nawala.
21 Ang ningas ay hindi makasunog,
kahit ng mga nilalang na madaling masunog.
Ni hindi rin makatunaw ng mga pagkaing madaling matunaw.
22 Sa lahat ng bagay, Panginoon, niloob mong padakilain ang iyong bayan.
Hindi mo sila pinabayaan saan mang dako sa lahat ng panahon.