18
Sumikat ang Liwanag sa mga Israelita
Ngunit+ para sa iyong bayang banal, nagniningning ang liwanag.
Ang tinig nila'y naririnig ng kanilang mga kaaway ngunit di sila nakikita,
at ipinapalagay na mapalad sapagkat di naghihirap.
Ang mga kaaway nila'y nagpapasalamat, sapagkat kahit na ginawan ng masama ay hindi gumaganti.
Sila'y humingi ng tawad dahil sa kanilang pakikipag-away.*
Kaya, sa paglalakbay nila patungo sa ibang lupain,
sila'y pinasubaybayan mo sa haliging apoy.
Parang araw na nagliliwanag ngunit hindi sila nasusunog sa makasaysayang paglalakbay na iyon.
Nararapat lang sa kanilang mga kaaway na pagkaitan ng liwanag at ibilanggo sa kadiliman,
pagkat ibinilanggo nila ang iyong bayan
na naging kasangkapan sa pagsasabog ng liwanag ng iyong Kautusan sa buong daigdig.
Pagkamatay ng mga Panganay
Pinatay nila ang mga sanggol ng iyong bayan maliban sa isang nailigtas,
Kaya pinatay mo rin ang kanilang mga sanggol,
at nilipol mo ang kanilang hukbo sa pamamagitan ng isang malaking baha.
Ang mangyayari sa gabing iyon ay ipinagpauna mong sabihin sa aming mga ninuno,
upang magalak sila sa katuparan ng iyong mga pangakong pinagtiwalaan nila.
Alam ng iyong bayan na ililigtas mo
ang mga matuwid at paparusahan ang kanilang mga kaaway.
Ang paraang ginamit mo sa pagpaparusa sa aming mga kaaway
ay siya mo ring ginamit na pantawag sa amin,
upang kami'y bahaginan mo ng iyong karangalan.
Ang mga tapat na anak ng mabuting bayang ito ay lihim na naghahandog.
Nagkaisa silang sumunod sa mga utos ng Diyos at magsama sa hirap at ginhawa.
Noon pa'y inaawit na nila ang matatandang awit na ito ng papuri.
10 Samantala, ang panaghoy ng kanilang mga kaaway ay abot sa buong paligid,
dahil sa pagkamatay ng kanilang mga anak.
11 Iisa ang parusang iginawad sa alipin at sa panginoon.
Iisa ang kapalarang sinapit ng hari at ng karaniwang tao.
12 Pare-pareho silang namatayan.
Hindi mabilang ang mga bangkay na iisa ang ikinamatay.
Kakaunti ang natira sa kanila,
at hindi nila kayang ilibing ang napakaraming patay.
Sa isang kisap-mata, ang pinakamamahal nilang mga anak ay namatay na lahat.
13 Noong una'y wala silang pinaniniwalaan liban sa kapangyarihan ng kanilang salamangka.
Ngunit nang mamatay ang kanilang mga panganay, naniwala rin silang ikaw, O Diyos, ang ama ng bayang Israel.
14 Payapa at tahimik ang lahat,
nangangalahati na ang gabi,
15 walang anu-ano'y bumabâ ang makapangyarihan mong mga salita,
mula sa iyong maharlikang trono sa langit,
pumagitna sa lupaing iyon na itinalaga mong wasakin
gaya ng mabagsik na mandirigma.
16 Taglay niya ang matalim na tabak ng iyong mga utos.
Tumayo siya, ang ulo niya'y abot sa langit,
at pinalaganap ang kamatayan sa buong lupain.
17 Walang anu-ano, nakakita sila ng nakakatakot na mga mukha,
at sila'y pinagharian ng takot.
18 Kabi-kabila ay may nabubuwal na naghihingalo.
Bawat isa'y nagsasabi kung bakit siya namamatay.
19 Ipinagpauna ito sa kanila sa pamamagitan ng isang nakakatakot na panaginip,
upang bago sila mamatay ay malaman nila ang dahilan.
Iniligtas ang mga Israelita
20 Ang+ mga matuwid man ay nakaranas din ng kamatayan sa kanilang paglalakbay sa ilang,
ngunit hindi iyon nagtagal at tumigil.
21 Isang taong walang kasalanan ang nagligtas sa kanila noon.
Ginawa niya ang nararapat niyang gawin bilang pari.
Nanalangin siya at nagsunog ng insenso.
Nanindigan siya sa harap ng iyong poot.
Ipinakilala niyang siya ay iyong lingkod.
22 Nagtagumpay siya sa poot na iyon,
hindi sa pamamagitan ng lakas
kundi sa pamamagitan ng panalangin,
at pagbanggit sa iyong mga pangako sa kanilang mga ninuno.
23 Nang nakabunton na ang mga patay, namagitan na siya,
at napigil niya ang galit ng Diyos,
at tumigil ang salot.
24 Sa mahaba niyang balabal ay nakalarawan ang buong daigdig.
Ang alaala ng kanilang mga ninuno ay nakaukit sa apat na hilera ng mamahaling bato,
at ang iyong karangalan ay nasa korona sa kanyang ulo.
25 Dahil sa mga ito, napahinuhod ang Anghel ng Kamatayan.
At ang karanasang iyon ay sapat na upang matakot ang bayan mo.
Hindi na kailangang danasin nila ang buong bigat ng galit mo.
+ 18:1 Exo. 13:17-22. * 18:2 Sila'y…pakikipag-away: o kaya'y Sila'y pinakiusapang umalis na. + 18:20 Bil. 16:41-50. 18:22 sa poot na iyon: Sa ibang manuskrito'y malaking pulutong ng mga tao. 18:25 Anghel ng Kamatayan: Sa literal ay Mamumuksa.