17
Gabi ng Lagim para sa Taga-Egipto
Kahanga-hanga, Panginoon, ang iyong mga hatol at mahirap ipaliwanag;
kaya, ang mga hindi nag-aral nito karaniwa'y naliligaw.
Noong inaakala ng mga taong di kumikilala ng batas na bihag nila ang bayan mong banal,
sa katotohana'y sila ang nakabilanggo sa karimlan ng gabi,
nakukulong sa ilalim ng kanilang bubong at di saklaw ng iyong walang hanggang pagkalinga.
Akala nila'y walang nakapansin sa lihim nilang kasalanan,
at naikubli na sa likod ng madilim na tabing ng paglimot.
Ngunit ngayo'y nanginginig sila sa takot,
nababalisa at binabagabag ng mga guni-guni.
Ang madilim na silid na kanilang pinangungubliha'y hindi nakahadlang sa matinding takot,
sapagkat sa paligid nila'y umaalingawngaw ang mga ingay na nakapangingilabot,
at binubulaga sila ng mga multong nakakasindak tingnan.
Hindi sila kayang liwanagan maging ng pinakamalaking siga.
Ang ningning ng mga tala ay di man lamang makabawas sa pusikit na dilim.
Ang tanging sumisinag sa kanila'y nakakatakot na ningas
at sa takot nila'y naniwala silang ang kanilang nakita'y
higit na nakakatakot kaysa iniisip nila.
Nabigo ang mapanlinlang na pamamaraan ng kanilang salamangka,
at nawalang-kabuluhan ang ipinagmamalaki nilang Karunungan.
Ipinagmamalaki nilang nakapagpaalis sila ng takot at pagkabalisa sa mga taong nagugulo ang isip,
ngunit sila ngayon ang hibang sa takot nang wala namang kadahi-dahilan.
Kahit walang nangyaring mapanganib na dapat katakutan,
nanginginig sila sa takot sa huni ng mga ahas at pagdagsa ng maraming hayop na papalapit sa kanila.
10 Namatay sila sa sindak sa gitna ng pangangatog,
natatakot silang idilat man lamang ang mga mata,
ngunit ang malungkot nito'y namatay sila nang dilat.
11 Ang kasamaan ay talagang likas na duwag, sapagkat siya na rin ang humahatol sa sarili.
At sa pag-uusig ng sariling budhi, siya na rin ang nagpapalaki sa laman ng guni-guni.
12 Ang takot ay bunga lamang ng di paggamit sa tulong na idinudulot ng isipan.
13 Ang walang lakas ng loob na magtiwala sa pag-iisip
ay aalipinin ng takot na likha ng kamangmangan.
14 Sa buong magdamag ay balisang-balisa sila sa pagtulog,
bagaman ang kadilimang iyon ay walang magagawa laban sa kanila,
sapagkat iyon ay mula lamang sa walang kapangyarihang bangin ng daigdig ng mga patay.
15 Hinahabol sila ng mga kakila-kilabot na pangitain,
ngunit naroon silang hindi makakilos
nang sila'y biglang pagharian ng matinding takot.
16 Bigla na lamang silang nabubuwal at di makaalis sa pagkahandusay,
gapos ng mga tanikala ng sariling takot.
17 Maging magsasaka, pastol o manggagawa sa kaparangan,
silang lahat ay nabihag ng iisang kapalaran,
sila ay nagapos ng tanikalang di nakikita sa gitna ng kadiliman.
18-19 Ang lahat sa paligid ay kinatakutan nila—pati ang marahang ihip ng hangin,
o ang magandang huni ng mga ibon sa mga sanga ng punongkahoy,
o ang lagaslas ng tubig sa umaagos na batis,
ang ugong ng mga batong gumuguho,
ang ingay ng mga hayop na tumatakbo at lumulukso ngunit hindi nakikita,
ang atungal ng mababangis na hayop,
ang alingawngaw ng mga kuweba sa libis ng bundok—
at halos mamatay sila sa takot.
20 Samantala, ang buong daigdig ay naliligo sa liwanag ng araw,
at ang lahat ng bagay sa kanilang paligid ay patuloy sa kani-kanilang gawain.
21 Tanging sila lamang ang nabalot ng pusikit na dilim,
larawan ng kadiliman ng kamatayang naghihintay sa kanila.
Ngunit ang mas mabigat na pasaning kanilang dinadala kaysa kadilimang iyon ay ang kanilang sarili.