5
Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya
1 Huwag mong pagagalitan ang nakatatandang lalaki, kundi pagsabihan mo siya nang mahinahon na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki.
2 Ituring mong parang sariling ina ang nakatatandang babae, at pakitunguhan mo nang may lubos na kalinisan ang mga kabataang babae na tulad sa iyong mga kapatid.
3 Igalang mo ang mga biyudang wala nang ibang maaasahan sa buhay.
4 Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos.
5 Ang biyuda na walang ibang maaasahan sa buhay ay sa Diyos na lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin araw at gabi.
6 Samantala, ang biyudang mahilig sa kalayawan ay maituturing nang patay, bagaman siya'y buháy.
7 Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman.
8 Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya.
9 Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taong gulang, naging tapat sa kanyang asawa,
10 kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob sa mga hinirang ng Diyos, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.
11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli.
12 Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo.
13 Bukod dito, sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahihilig makialam sa buhay ng may buhay at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin.
14 Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo,
15 sapagkat may ilan nang biyudang sumunod kay Satanas.
16 Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang maaasahan sa buhay.
17 Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos.
18 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.”
19 Huwag mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.
21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi.
22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.
23 Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.
24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli.
25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon.