6
1 Ang mga alipin ay dapat magpakita ng buong paggalang sa kanilang mga amo upang walang masabing masama laban sa pangalan ng Diyos at sa ating aral.
2 At kung ang kanila namang amo ay kapwa nila mananampalataya, ang kanilang pagiging magkapatid ay hindi dapat maging dahilan ng hindi nila paggalang sa mga ito. Sa halip, dapat pa nga nilang pagbutihin ang kanilang paglilingkod sapagkat ang nakikinabang sa kanilang paglilingkod ay mga mananampalatayang minamahal nila. Ituro mo't ipatupad ang mga bagay na ito.
Mga Huwad na Guro at ang Tunay na Kayamanan
3 Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos,
4 siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at masasamang hinala.
5 Mahilig din siyang makipagtalo sa mga taong baluktot ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan. Ang mga taong ito'y nag-aakala na ang relihiyon ay paraan ng pagpapayaman.
6 Sa katunayan, may malaki ngang pakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan.
7 Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito.
8 Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo'y may pagkain at pananamit.
9 Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan.
10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.
Mga Tagubilin para kay Timoteo
11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.
12 Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo.
13 Iniuutos ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato,
14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo.
15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.
16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.
17 Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa.
19 Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.
20 Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang lumalapastangan sa Diyos at ang mga pagtatalo tungkol sa hindi totoong karunungan.
21 Dahil sa kanilang pag-aangking mayroon sila nito, may mga nalihis na sa pananampalataya.
Sumainyo ang kagandahang-loob ng Diyos.