Ang Ikalawang Sulat ni Pablo kay
TIMOTEO
Panimula
Ang Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo ay payo sa isang nakababatang kamanggagawa. Katatagan ang pangunahing paksa nito. Pinapayuhan ni Pablo si Timoteo at pinapalakas ang loob nito upang magpatuloy sa matapat na pagsaksi para kay Jesu-Cristo, at matatag na panghawakan ang turo ng Banal na Kasulatan. Ipinapayo rin niyang gampanan ni Timoteo ang kanyang tungkulin bilang guro at tagapagpahayag ng Magandang Balita, at gawin ang lahat ng ito sa kabila ng mga kahirapan at mga pagsalungat sa kanya ng mga tao.
May babala rin siya kay Timoteo tungkol sa mga walang kabuluhang pakikipagtalo na walang ibubungang mabuti, sa halip ay nagpapahamak.
Sa lahat ng mga ito, si Timoteo ay pinapaalalahanan ni Pablo na siya man ay dapat maging magandang halimbawa sa pananampalataya, pag-ibig, at pagtitiis maging sa gitna ng paghihirap.
Sa sulat na ito, si Pablo ay nagpapahiwatig na rin na siya'y maaaring malapit nang mamatay dahil sa kanyang pananampalataya kay Cristo. Gayunpaman, naniniwala siyang may gantimpalang nakalaan para sa kanya (4:6-8). Kaya naman ipinapaalala niya kay Timoteo ang tunay na kahulugan ng kanilang mensahe:
“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.
Kung tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya.” (2:11-12a)
Nilalaman
Panimula 1:1-2
Papuri at pangaral 1:3–2:13
Payo at babala 2:14–4:5
Ang sariling katayuan ni Pablo 4:6-18
Pagwawakas 4:19-22
1
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus—
2 Kay Timoteo na minamahal kong anak.
Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat at Paalala
3 Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno.
4 Kapag naaalala ko ang iyong pagluha, nananabik akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan.
5 Hindi ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito.
6 Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na pag-alabin mong muli ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay.
7 Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos
9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus,
10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Para sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro,
12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.
13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo.
15 Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng mga nasa Asia, kabilang sina Figelo at Hermogenes.
16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon ay pinasigla niya ako at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo.
17 Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan.
18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.