10
Iningatan ng Karunungan si Adan
Karunungan+ ang nag-ingat sa unang ama ng sangkatauhan noong siya pa lamang ang nalilikha.
Ang Karunungan din ang nagligtas sa kanya sa pagkakasala,
at nagbigay ng kapangyarihan sa lahat ng bagay.
Nilayuan ni Cain ang Karunungan
Ngunit+ ang masama ay lumayo sa Karunungan,
at sa bugso ng galit ay pinatay ang kanyang kapatid,
at sa gayo'y ipinahamak ang sarili.
Iningatan ng Karunungan si Noe
Dahil+ sa kasalanang iyon, ginunaw ang daigdig sa pamamagitan ng baha, ngunit iniligtas itong muli ng Karunungan.
Tinuruan niya ang isang taong matuwid na sumakay sa isang barkong yari sa kahoy na madaling masira.
Tinulungan ng Karunungan si Abraham
Matapos+ na ang mga bansa ay mabigo sa palalo nilang balak,
pumili ang Karunungan ng isang taong matuwid, na iningatan niyang walang-sala sa paningin ng Diyos.
Binigyan niya ang taong ito ng tibay ng kalooban, na sundin ang utos sa kanya ng Diyos, sa kabila ng pagmamahal niya sa kanyang anak.
Iniligtas ng Karunungan si Lot
Isa+ pang taong matuwid ang iniligtas ng Karunungan.
Pinatakas niya ito sa nasusunog na limang lunsod, samantalang nililipol ang mga tagaroon dahil sa kanilang kasamaan.
Ang mga palatandaan ng kasamaan ng lunsod na iyon ay nakikita pa:
lupang walang tumutubo at patuloy na umuusok,
mga punongkahoy na ang bunga'y hindi mahinog,
isang haliging asin, tagapagpaalala sa taong ayaw maniwala.
Hindi nila pinahalagahan ang Karunungan,
at bilang parusa, nawalan sila ng kakayahang makakilala ng mabuti.
Hanggang ngayon ang guho ng kanilang lunsod ay alaala pa ng kanilang kahangalan.
Anupa't ang kamalian nila'y di na malilimutan magpakailanman.
Ngunit iniligtas ng Diyos sa panganib ang mga naglilingkod sa Karunungan.
Iningatan ng Karunungan si Jacob
10 Ang+ Karunungan din ang umakay
sa pagtakas ng isang taong matuwid sa galit ng kanyang kapatid.
Ipinahayag sa kanya na ang Diyos ang siyang hari,
at binigyan siya ng pagkaunawa tungkol sa mga bagay na banal,*
at pinasagana ang kanyang pamumuhay.
11 Nang siya'y dinadaya at ibig agawan ng kabuhayan,
tinulungan muli siya ng Karunungan;
at sa bandang huli, siya rin ang yumaman.
12 Iningatan siya ng Karunungan laban sa kanyang mga kaaway,
at iniligtas sa mga tumatambang sa kanya.
Pinagtagumpay siya sa isang mahigpit na paligsahan,
upang ipakilala sa kanya na ang pagiging maka-Diyos, ang tanging makakatulong sa tao.
Iningatan ng Karunungan si Jose
13 May+ isang taong matuwid na ipinagbiling alipin;
ngunit di siya pinabayaan ng Karunungan.
Inilayo siya nito sa pagkakasala at sinamahan hanggang sa bilangguan.
14 Kahit nang siya'y gapos ng tanikala, hindi rin siya hiniwalayan ng Karunungan.
Ang pamamahala ng buong kaharian ay ibinigay sa kanya,
at ipinailalim sa kanyang kapangyarihan ang mga dating umuusig sa kanya.
Napabulaanan ang mga paratang sa kanya,
at nagkamit siya ng karangalang walang hanggan.
Pinalaya ng Karunungan ang mga Israelita
15 Ang+ Karunungan din ang nagpalaya sa isang lahing walang sala at malapit sa Diyos.
Hinango sila sa bansang umalipin sa kanila.
16 Pumasok ang Karunungan sa diwa ng isang lingkod ng Panginoon.
Kaya't hinarap nito ang mababagsik na hari sa pamamagitan ng mga himala at kababalaghan.
17 Ginantimpalaan niya ang paghihirap ng bayang pinili,
at pinatnubayan sa isang kagila-gilalas na paglalakbay.
Nililiman niya sila kung araw at tinanglawan kung gabi.
18 Pinangunahan niya sila sa pagtawid
sa malalim na tubig ng Dagat na Pula.
19 Ngunit nilunod niya ang kanilang mga kaaway
at ibinulusok sa pusod ng dagat.
20 Kaya sinamsaman ng mga banal ang masasama,
at umawit po sila ng parangal sa banal mong pangalan, O Panginoon.
Pinuri nila ang iyong makapangyarihang kamay.
21 Binuksan ng Karunungan ang bibig ng mga pipi,
at maging ang mga sanggol ay matatas na nakapagsalita.
+ 10:1 Gen. 1:26-28. + 10:3 Gen. 4:8-13. + 10:4 Gen. 7:18:22. + 10:5 Gen. 11:1-9; 12:1-3; 22:1-19. + 10:6 Gen. 19:1-29. + 10:10 Gen. 27:43; 28:10-22; 32:24-30. * 10:10 bagay na banal: o kaya'y anghel. + 10:13 Gen. 37:12-36; 39:1-23; 41:37-44. + 10:15 Exo. 1:115:21.