9
Nanalangin si Solomon Upang Makamtan ang Karunungan
1 “Diyos ng aking mga ninuno, O mahabaging Panginoon,
ikaw po na lumikha ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng iyong salita.
2 Sa iyong Karunungan, nilikha mo ang sangkatauhan
upang maghari sa sangnilikha,
3 upang pamahalaan ang daigdig nang may kabanalan at katuwiran,
at pairalin ang katarungan nang may katapatan.
4 Bahaginan mo po ako ng Karunungang nakaluklok sa tabi ng iyong trono,
at ibilang mo po ako sa iyong mga lingkod.
5 Ako'y alipin mo, anak ng alipin mong babae,
isang taong mahina at maikli ang buhay.
Lubhang kakaunti ang pagkaunawa ko sa Kautusan at kung paano iyon papairalin.
6 At kahit na ang isang tao ay maging ganap,
wala rin siyang magagawa kung wala siyang Karunungang nagmumula sa iyo.
7 Hinirang mo po akong maging hari ng iyong bayan,
at maging hukom ng iyong mga anak.
8 Iniutos mo sa aking magtayo ng isang templo sa iyong banal na bundok,
isang dambana sa Jerusalem, ang lunsod na iyong piniling tahanan.
Larawan ito ng makalangit na templong inihanda mo buhat pa sa simula.
9 Sumasaiyo ang Karunungan at nalalaman niya ang iyong mga gawa,
sapagkat kasama mo siya nang likhain mo ang daigdig.
Alam niya kung ano ang iyong kinalulugdan,
kung ano ang mabuti at naaayon sa iyong mga utos.
10 Isugo mo po siya mula sa kalangitan
at mula sa luklukan ng iyong karangalan.
Sa gayon, siya'y sasaakin at sasamahan ako sa aking ginagawa,
at ituturo niya sa akin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo.
11 Alam niya at nauunawaan ang lahat ng bagay.
Papatnubayan niya ang lahat ng kilos ko,
at iingatan ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
12 Kung magkagayon, mapapamahalaan ko po ang bayan mo nang may katarungan,
at magiging karapat-dapat ako sa trono ng aking ama,
at magiging kalugud-lugod sa iyo ang aking mga gawa.
13 “Sinong tao ang lubos na makakaunawa sa kaisipan ng Diyos?
Sino ang makakaalam sa kalooban ng Panginoon?
14 Kapos ang kaisipan ng tao
at walang kasiguruhan ang aming mga panukala.
15 Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa ng aming katawang ang hantungan ay kamatayan.
Ang aming katawang lupa ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala.
16 Nahihirapan kaming mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig,
at malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin.
Sino, kung gayon, ang makakaunawa sa mga bagay na makalangit?
17 Wala pong makakaalam ng iyong kalooban
malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan,
at lukuban ng iyong banal na espiritung mula sa kaitaasan.
18 Sa ganitong paraan po lamang naaakay mo ang mga tao sa matuwid na landas.
Natututunan po namin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo,
at naliligtas kami sa pamamagitan ng iyong Karunungan.