8
1 Ang lakas niya'y abot sa lahat ng sulok ng daigdig,
at maayos na pinamamahalaan ang lahat ng bagay.
Ang Pag-ibig ni Solomon sa Karunungan
2 Ang Karunungan ay mahal ko, kaya sinikap kong hanapin siya mula sa aking kabataan.
Ipinasya kong siya ang makaisang-dibdib;
ako'y lubos na nabighani sa kanyang kagandahan.
3 Lalong naging marangal ang kanyang pagsilang dahil sa pagiging malapit niya sa Diyos,
ang Panginoon ng lahat, na nagmamahal sa kanya.
4 Siya ang tagapagturo sa mga hiwaga ng Diyos,
at siya ang nagpapasya ng dapat gawin ng Diyos.
5 Kung ang kayamanan ay kanaisnais makamtan,
lalong higit ang Karunungan na nagpapakilos sa lahat ng bagay.
6 Kung gumagawa man ang kaalaman,
lalong malaki ang nagagawa ng Karunungan na nagbigay-anyo sa lahat ng bagay.
7 Kung ang pinahahalagahan ninyo'y katuwiran,
iyan ay bunga ng Karunungan.
Itinuturo niya ang pagpipigil at pag-unawa,
katarungan at tibay ng loob.
Ang tao'y wala nang makakamtang pakinabang na higit pa kaysa mga ito.
8 Kung nais ninyo ang malawak na karanasan,
alam ng Karunungan ang mga nakaraan at ang darating.
Alam niyang ipaliwanag ang pangungusap ng tao at ang kasagutan sa mga suliranin.
Maihahayag niya ang mga tanda ng panahon at ang mga kababalaghan,
at ang kahihinatnan ng mga pangyayari.
9 Kaya nga, ipinasya kong ang Karununga'y makaisang-dibdib,
sapagkat alam kong bibigyan niya ako ng magagandang aral,
at mga payo sa panahon ng kabalisahan at kalungkutan.
10 Nasabi ko sa aking sarili, “Dahil sa kanya ay magiging tanyag ako sa paningin ng mga tao,
at magkakamit ng karangalan sa paningin ng matatandang pinuno, kahit ako'y bata pa.
11 Makikita nila ang kahusayan ko sa paghatol,
at ako'y hahangaan ng mga tagapamahala.
12 Kapag ako'y nanahimik, hihintayin nila akong magsalita,
at kapag nagsalita ako, sila'y makikinig.
Kung ako man ay magsalita nang mahaba,
sila'y tatahimik.
13 Dahil sa Karunungan, hindi ako mamamatay,
sapagkat mag-iiwan ako ng alaalang mananatili sa isipan ng mga susunod sa akin.
14 Mamamahala ako sa maraming tao,
at masasakop ko ang maraming bansa.
15 Ang malulupit na hari ay matatakot sa akin.
Ipapakita ko sa aking nasasakupan na ako'y bihasang pinuno at isang matapang na mandirigma.
16 Pag-uwi ko sa amin, magpapahinga akong kapiling ng Karunungan,
sapagkat kung siya ang kasama ko, wala akong sakit ng kalooban,
kundi pawang galak at kasiyahan.”
17 Napag-isip-isip ko at napagbulay-bulayan:
Walang kamatayan ang sinumang makaisang-dibdib ng Karunungan.
18 Ganap na kaligayahan ang umibig sa kanya,
malaking kayamanan ang magsagawa ng kanyang mga panukala.
Karangalan ang makisalamuha sa kanya
at matututong magpasya nang mahusay ang makisama sa kanya.
Dahil dito, ipinasya kong siya ang aking makaisang-dibdib.
19 Sa aking pagkabata, ako'y may kaakit-akit na katauhan,
at nagkapalad na magtaglay ng malinis na kaluluwa.
20 O kaya, marahil sa pagiging mabuti ko, nabigyan ako ng malusog na katawan.
21 Ngunit naniniwala akong hindi ako magkakaroon ng Karunungan, kung hindi iyon ipinagkaloob sa akin ng Diyos.
Ang isa pang tanda ng pagkaunawa ay ang pagkaalam na ang Diyos lamang ang maaaring magkaloob niyon.
Kaya, buong puso akong nanalangin sa Panginoon nang ganito: