7
Ang Hari ay Katulad din ng Sinumang Tao
1 Ako'y may kamatayan din, tulad ng sinumang tao,
supling ng unang tao na nagmula sa alabok,
inanyuan sa sinapupunan ng aking ina.
2 Mula sa binhi ng lalaki, nagkaanyo ako sa sinapupunan ng aking ina, bunga ng pagtatalik nilang dalawa.
Sa loob ng siyam na buwan, ang katawan ko'y nabuo mula sa dugo ng aking ina.
3 Nang ako'y isilang, nagsimula akong lumanghap ng hanging nilalanghap ng lahat.
Inihiga ako sa lupang tinatapakan ng mga tao,
ang iyak ng lahat ng bagong silang ang unang tinig na nagmula sa akin.
4 Buong ingat akong inalagaan at binalot ng lampin.
5 Lahat ng hari ay ganyan din ang simula.
6 Sapagkat sa lahat ng tao'y iisa lamang ang paraan ng pagdating at pag-alis sa buhay na ito.
Ang Pag-ibig ni Solomon sa Karunungan
7 Sapagkat alam kong ako'y tao lamang, ako'y nanalangin at binigyan naman ako ng pang-unawa.
Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng Karunungan.
8 Higit na mahalaga sa akin ang Karunungan kaysa trono at setro,
at mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.
9 Hindi ko siya maipagpapalit maging sa pinakamahal na alahas.
Ang ginto ay tulad lamang ng buhangin kung ihahambing sa Karunungan.
Ang pilak nama'y nagmimistulang putik kapag inihambing sa kanya.
10 Para sa akin, siya'y higit pa sa kalusugan o kagandahan.
Mas gusto ko siya kaysa alinmang ilaw
sapagkat ang luningning niya'y walang pagkupas.
11 Nang makamit ko ang Karunungan, dumating sa akin ang lahat ng pagpapala;
siya ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.
12 Malaking kaligayahan ang dulot ng mga ito sa akin, sapagkat ang mga ito'y bunga ng Karunungan.
Ngunit di ko alam noon na ang mga ito'y nagmula sa Karunungan.
13 Walang pag-iimbot na nag-aral ako sa Karunungan;
at ngayon ay malugod kong ibinabahagi sa iba ang aking natutunan.
14 Hindi mauubos ninuman ang yaman ng Karunungan.
Angkinin ninyo iyan at mapapalapit kayo sa Diyos;
ikinalulugod niya ang matuto kayo sa Karunungan.
15 Loobin nawa ng Diyos na ang nasa isip ko'y maging karapat-dapat sa natutunan ko sa Karunungan,
at ang ihahayag ko'y maging naaayon sa kalooban niya,
sapagkat ang Diyos ang patnubay ng Karunungan,
at siya ang nagtutuwid sa marurunong.
16 Tayong lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos—ang ating pagkatao, ang ating mga salita,
ang ating pagkaunawa, at ang ating mga kakayahan.
17 Siya ang nagbigay sa akin ng pagkaunawa
sa kaayusan ng buong daigdig at sa mga lakas ng kalikasan;
18 kung paanong sinusukat ang takbo ng daigdig sa pamamagitan ng pagsikat at paglubog ng araw,
at ang pagbabagu-bago ng mga panahon;
19 ang pag-inog ng mga bituin sa kalawakan, at ang pag-ikot ng mga taon.
20 Sa kanya ko natutunan ang kalikasan ng mga nilalang na may buhay,
ang ugali ng mga mababangis na hayop,
ang lakas ng hangin, ang takbo ng isipan ng mga tao,
ang pagkakaiba ng mga halaman, at ang paggamit ng mga ugat bilang gamot.
21 Natutunan ko ang mga bagay na dati nang alam, at ang mga bagay na wala pang ibang nakakaalam,
22 sapagkat ang Karunungan na humugis sa lahat ng bagay ang siyang nagturo sa akin.
Ang Likas ng Karunungan
Ang diwa ng Karunungan ay matalino at banal.
Iisa ang kanyang likas ngunit nahahayag sa maraming paraan.
Siya'y dalisay at walang katawang materyal, at malayang kumikilos;
malinis, nagtitiwala at di maaaring mapinsala;
maibigin sa mabuti, matalas at di malulupig.
23 Ang Karunungan ay mapagkawanggawa, mabait,
matatag, tiyak, hindi nababalisa,
makapangyarihan at mulat sa lahat ng bagay.
Ang Karunungan ay laganap sa lahat ng diwang matalino, matalas at dalisay.
24 Sapagkat ang Karunungan ay mas mabilis kaysa anumang kumikilos,
at dahil sa kanyang kadalisayan, siya'y laganap sa lahat ng bagay.
25 Siya ay tilamsik ng kapangyarihan ng Diyos,
maningning na silahis ng kanyang kaluwalhatian.
Kaya walang marumi na makalalapit sa kanya.
26 Siya ay sinag ng walang hanggang liwanag,
salaming nagpapakita ng mga gawa at kabutihan ng Diyos.
27 Bagama't nag-iisa ang Karunungan, magagawa niya ang lahat ng bagay,
at bagaman siya'y hindi nagbabago, nababago niya ang lahat ng bagay.
Sa lahat ng salinlahi, siya'y nananahan sa mga banal,
at ang mga ito'y ginagawa niyang mga propeta at mga kaibigan ng Diyos.
28 Walang pinakamamahal ang Diyos nang higit pa sa mga taong nalulugod sa Karunungan.
29 Ang Karunungan ay mas maganda kaysa araw,
higit ang kagandahan kaysa mga bituin, at higit pa sa liwanag.
30 Sapagkat ang liwanag ay napapalitan ng dilim,
ngunit ang Karunungan ay di malulupig ng masama kailanman.