6
Ang Katungkulan ng mga Pinuno
1 Mga hari, pakinggan ninyo ito at unawain;
mga namamahala sa buong daigdig, pag-aralan ninyo ito.
2 Makinig kayo, mga pinuno ng maraming bansa;
kayo na ang ipinagmamalaki ay ang lawak ng inyong mga nasasakupan.
3 Ang pamamahala ninyo'y kaloob ng Panginoon,
at ang kapangyariha'y mula sa Kataas-taasang Diyos.
Siya ang susuri ng inyong mga gawa at sisiyasat ng inyong mga panukala.
4 Kung hindi kayo magiging tapat sa inyong pamamahala ng kanyang kaharian,
kung hindi ninyo susundin ang Kautusan,
at kung hindi kayo mamumuhay ayon sa kanyang kalooban,
5 darating agad siya at kayo'y paparusahan ng mabigat.
Walang katulad ang bigat ng parusang inilalaan niya sa mga namumuno at makapangyarihan.
6 Ang mga abâ ay kahahabagan at patatawarin,
ngunit ang mga nasa kapangyarihan ay mahigpit na hahatulan.
7 Ang Panginoon ng lahat ay hindi natatakot kaninuman, gaano man ito kadakila.
Siya ang may likha sa lahat, sa dakila at sa abâ,
kaya't pare-pareho lang ang tingin niya sa lahat.
8 Ngunit mas mahigpit ang paghatol niya sa mga nasa kapangyarihan.
9 Kaya, mga hari, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito
upang matuto kayo at nang hindi kayo magkasala.
10 Ito ay mga banal na bagay at kung gagamitin ninyo sa paraang banal, kayo rin ay magiging banal.
Kapag natutunan ninyo ang mga aral na ito, maipagtatanggol ninyo ang inyong sarili sa Araw ng Paghatol.
11 Kaya nga, pahalagahan ninyo ang aking mga aral;
unawain ninyo ito at kayo'y matututo.
Ang Kahalagahan ng Karunungan
12 Ang Karunungan ay maningning at di kumukupas,
madaling natatagpuan ng naghahanap sa kanya,
at nakikita agad ng mga nagpapahalaga sa kanya.
13 Madali siyang nagpapakilala sa mga naghahangad sa kanya.
14 Ang maagang bumabangon upang siya'y hanapin, hindi mahihirapan na siya'y masumpungan;
makikita niyang ang Karunungan ay nag-aabang sa may pintuan.
15 Isipin mo lamang siya'y magkakaroon ka ng ganap na pagkaunawa;
hanapin mo siya't matatahimik ang iyong kalooban.
16 Sapagkat hinahanap niya ang mga karapat-dapat sa kanya,
at malugod na nagpapakita siya sa kanila saan mang dako.
Siya'y maamo, at sasamahan ka niya sa bawat iniisip mo.
17 Ang unang hakbang para magtamo ng Karunungan ay ang matapat na pagnanais na matuto,
sapagkat para na ring pagmamahal sa Karunungan ang paghahangad na matuto.
18 Sumusunod sa kanyang mga tuntunin ang nagmamahal sa Karunungan,
at magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang sumusunod sa kanyang mga tuntunin.
19 At ang buhay na walang katapusan naman ay naglalapit sa Diyos.
20 Ang naghahangad ng Karunungan ay naghahanda upang maging pinuno ng kaharian.
21 Kaya, mga hari, kung talagang mahal ninyo ang inyong trono at setro,
pahalagahan ninyo ang Karunungan at maghahari kayo magpakailanman.
Ibinahagi ni Solomon ang Kanyang Karunungan
22 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang Karunungan at kung paano nagkaroon nito;
wala akong ililihim sa inyo;
iisa-isahin ko ang kanyang dinaanan mula sa panahon ng paglikha,
upang maging malinaw ito sa inyo;
hindi ako lilihis sa katotohanan.
23 Hindi ko ililihim ang anuman dahil sa takot na mapantayan,
sapagkat hindi maaaring pagsamahin ang Karunungan at ang damdaming ganyan.
24 Kung maraming marunong sa daigdig, mahahango sa dusa ang maraming tao.
Magdudulot ng kapanatagan sa kanyang nasasakupan, ang isang marunong na hari.
25 Kaya, sikapin ninyong matutunan ang aking mga aral at papakinabangan ninyo ito.