3
Ang Kapalaran ng mga Matuwid
1 Ngunit ang mga matuwid ay nasa kamay ng Diyos,
at di sila makakaranas ng kaunti mang pahirap.
2 Sa akala ng mga hangal, ang mga matuwid ay namamatay.
Iniisip nilang ang kamatayan ay kapahamakan,
3 at ang pagpanaw nila ay tuluyang pagkawala,
Ngunit ang totoo, sila'y nananahimik na.
4 Bagama't sa tingin ng tao sila'y pinarusahan,
ngunit ang totoo, sila'y nasa buhay na walang hanggan.
5 Ang kaunting pagtitiis nila ay tutumbasan ng malaking pagpapala.
Napatunayan ng Diyos na sila'y karapat-dapat.
6 Sila'y kanyang sinubok, tulad ng ginto sa tunawan,
kaya't sila'y tinanggap niyang parang handog na sinusunog.
7 Darating ang Panginoon upang gantimpalaan ang mga matuwid.
Magliliwanag silang parang ningas ng nagliliyab na dayami.
8 Sila ang mamamayani sa mga bansa sa daigdig,
at ang Panginoon ang maghahari sa kanila magpakailanman.
9 Ang mga nananalig sa kanya ay makakaunawa sa katotohanan ng kanyang pamamaraan,
at ang mga naging tapat sa kanya ay mamumuhay na kasama niya sa kanyang pag-ibig,
sapagkat siya'y mabuti at maawain sa kanyang mga hinirang.
Ang Parusa sa Masasama
10 Ngunit ang mga masama'y paparusahan niya nang ayon sa kanilang masasamang kaisipan,
sapagkat sila'y naghimagsik sa Panginoon
at niyurakan ang katuwiran.
11 Malungkot ang sasapitin ng hindi nagpapahalaga sa Karunungan at pag-aaral.
Wala silang maaasahan; ang pagsisikap nila'y walang mararating
at wala silang magagawang kabutihan.
12 Lalabas na di mapagkakatiwalaan ang kanilang mapapangasawa,
at ang kanilang mga anak ay maliligaw ng landas.
13 Ang magiging lahi nila ay sasailalim sa sumpa.
Ang Kahalagahan ng Kalinisan
Mapalad ang babaing hindi nagkaanak kailanman.
Kung hindi siya nakipagtalik sa paraang makasalanan;
gagantimpalaan siya ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom.
14 Mapalad ang eunuko na hindi gumawa ng masama
at hindi nagkimkim ng hinanakit laban sa Panginoon.
Siya ay may tanging gantimpala para sa kanyang katapatan
na higit na mahalaga kaysa pagkakaroon ng anak.
Bibigyan siya ng tanging lugar sa tahanan ng Panginoon.
15 Ang matuwid na gawa ay parang punongkahoy na hitik sa masasarap na bunga.
Ang Karunungan ay parang buháy na ugat na maaaring litawan ng sariwang usbong.
16 Ngunit ang mga anak ng mga mapangalunya ay walang kinabukasan;
di hahaba ang kanilang buhay.
17 At kung mabuhay man sila nang matagal ay wala ring kabuluhan
sapagkat hindi sila igagalang kahit sila'y matanda na.
18 At kung mamatay nang maaga ay wala ring pag-asa,
o kaaliwan sa Araw ng Paghuhukom.
19 Kasawiang talaga ang wakas ng mga anak sa pagkakasala.