4
1 Mabuti na ang walang anak ngunit malinis ang kalooban,
sapagkat ito ay napakahalaga sa mata ng Diyos at ng tao,
at ang may malinis na kalooban ay maaalala magpakailanman.
2 Ang taong ito ay nagiging huwaran,
at kapag ito'y nawala sa kanya ay tunay na hinahanap.
Ito ang pinakamahalagang gantimpala na maaaring makamit ng tao,
at pinakamainam na katangiang maaaring taglayin ng sinuman.
3 Ang mga anak sa pagkakasala, gaano man karami, ay hindi papakinabangan;
ang lahi nila ay di mapapanatag.
4 Wari'y mga punongkahoy na mababaw ang ugat,
sandali silang tutubo, ngunit hindi magtatagal,
sapagkat madali silang ibubuwal ng malakas na hangin.
5 Mababali ang kanilang mga sanga sa kanilang kamuraan,
at ang mga bunga nila'y di mahihinog, di papakinabangan.
6 Pagdating ng Araw ng Paghuhukom,
ang mga anak na iyan sa pagkakasala ang siyang magiging saksi sa kasalanan ng kanilang mga magulang.
7 Sa kabilang dako, ang taong matuwid at banal,
mamatay man nang bata pa, ay mapapanatag.
8 Ang marangal na katandaan ay di sinusukat sa haba ng buhay
o sa dami ng taong inilagi dito sa balat ng lupa.
9 Ang Karunungan at katuwiran ay malilinaw na palatandaan ng hustong kaisipan,
at siya ring sukatan ng tunay na pinagkatandaan.
Ang Halimbawa ni Enoc
10 Si Enoc ay namuhay nang kalugud-lugod sa Diyos.
Napamahal siya sa Diyos kaya't siya ay kinuhang buháy
samantalang namamayan pa sa gitna ng mga makasalanan,
11 upang ang kanyang puso't diwa
ay huwag nang mahawa sa kasamaan at panlilinlang.
12 Sapagkat pinalalabo ng kasamaan ang kagandahan ng kabutihan,
at ginugulo ng masamang pita ang walang malay na isipan.
13 Sa maikling panahon ay narating niya ang lubos na kabanalan
na di maabot ng marami sa loob ng mahabang panahon.
14 Naging kalugud-lugod nga siya sa Panginoon,
kaya't siya'y kinuha agad mula sa makasalanang paligid.
15 Nakita ng mga tao ang kanyang pag-alis ngunit hindi nila naunawaan,
wari'y hindi maabot ng kanilang isipan
na pinagpapala at kinahahabagan ng Diyos ang kanyang mga hinirang,
at iniingatan ang kanyang banal na bayan.
Ang Sasapitin ng Masasama
16 Ang matuwid at banal, kahit mamatay at sumakabilang-buhay,
siya'y magiging sumbat sa mga nabubuhay sa kasamaan.
Ang matandang namuhay ng di wasto, ay mapapahiya sa mga batang maagang nagtamo ng Karunungan.
17 Makikita ng mga masama ang pagkamatay ng mga matuwid,
ngunit hindi nila mauunawaan na ito ang paraan ng pagliligtas ng Panginoon.
18 Pagtatawanan nila ang pagkamatay ng banal,
ngunit sa huli'y sila ang pagtatawanan ng Panginoon.
Pagkamatay nila, bangkay nila ay hindi pararangalan,
at maging sa libinga'y kukutyain sila at kamumuhian ng mga patay magpakailanman.
19 Ibabagsak sila ng Panginoon at sila'y matitigilan.
Tulad ng gusali'y mayayanig ang kanilang mga pundasyon,
at guguho nang tuluyan.
Ganap silang pahihirapan at lubusang malilimutan.
20 Mangingilabot sila kapag inisa-isa ang kanilang mga kasalanan,
at kapag ipinamukha sa kanila ang kanilang kasamaan.