4
Ang Ilawan at ang Puno ng Olibo
1 Nagbalik ang anghel na kausap ko at ako'y kanyang ginising na para bang ako'y natutulog.
2 Itinanong niya sa akin, “Ano ang nakikita mo?” “Isang ilawang ginto po na may lalagyan ng langis sa itaas at may pitong ilawan, bawat isa'y may pitong lalagyan ng mitsa.
3 Sa magkabila nito ay may puno ng olibo,” sagot ko naman sa kanya.
4 Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan nito, panginoon?”
5 “Hindi mo ba alam iyan?” patanong na sagot sa akin.
“Hindi po,” ang sagot ko.
Ang Pangako ng Diyos kay Zerubabel
6 Sinabi sa akin ng anghel ang ipinapasabi ni Yahweh para kay Zerubabel, “Pinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu.
7 Maging ang pinakamalaking hadlang ay makikita ninyong maaalis. Muli mong itatayo ang templo at habang inilalagay mo ang kahuli-hulihang bato, magbubunyi ang mga tao at kanilang sasabihin, ‘Napakaganda!’ ”
8 Sinabi muli sa akin ni Yahweh,
9 “Si Zerubabel ang naglagay ng pundasyon sa templong ito at siya rin ang tatapos. Kapag ito'y natapos na, mapapatunayan ng lahat na ikaw ang aking isinugo.
10 Nag-aalala sila ngayon dahil sa mabagal na pagkayari ng templo. Ngunit matutuwa sila kapag nakita nilang ito'y pinapamahalaan na ni Zerubabel.”
Ipinaliwanag ang Pangitain tungkol sa Ilawan
Sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong sinag na iyan ay paningin ng Diyos at lalaganap ito sa buong mundo.”
11 Itinanong ko sa anghel, “Ano naman po ang kahulugan ng dalawang puno ng olibo sa magkabila ng ilawan?
12 Bakit may dalawang sanga ng olibo sa magkabilang tabi ng gintong tubo na buhusan ng langis?”
13 “Hindi mo ba alam kung ano ang mga iyan?” patanong na tugon niya sa akin.
“Hindi po,” sagot ko.
14 “Iyan ay dalawang taong pinili ni Yahweh at pinahiran ng langis upang makatulong niya sa pamamahala sa daigdig,” sabi niya.