5
Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Lumilipad
1 Muli akong tumingala at may nakita akong kasulatang lumilipad.
2 Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” “Isa pong kasulatang lumilipad. Ang haba po nito ay siyam na metro at apat at kalahating metro naman ang lapad,” sagot ko.
3 Sinabi niya sa akin, “Diyan nakasulat ang mga sumpa sa daigdig. Sa kabila ay sinasabing aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw; sa kabila naman ay sinasabing aalisin din ang lahat ng sinungaling.
4 Ipadadala ko ito sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan.”
Ang Babae sa Loob ng Malaking Basket
5 Lumapit sa akin ang anghel at sinabi, “Tumingala ka at tingnan mo kung ano itong dumarating.”
6 “Ano 'yan?” tanong ko sa kanya.
“Iyan ay isang malaking basket. Inilalarawan niyan ang kasalanan ng buong sanlibutan,” sagot niya.
7 Bumukas ang tinggang takip nito at nakita kong may isang babaing nakaupo sa loob ng malaking basket.
8 Sinabi sa akin ng anghel, “Iyan si Kasamaan.” At itinulak niya ito pabalik sa loob ng kaing at muling sinarhan.
9 Nang ako'y tumingala, may nakita akong dalawang babaing lumilipad papunta sa akin; malalapad ang kanilang pakpak. Pinagtulungan nilang ilipad na palayo ang malaking basket.
10 Tinanong ko ang anghel, “Saan nila iyon dadalhin?”
11 Sumagot siya, “Sa Babilonia. Gagawa sila ng templo roon upang paglagyan ng malaking basket. Pagkatapos, sasambahin nila ito.”